Dennis Trillo iwas na iwas sa mga tukso sa buhay
AMINADO si Dennis Trillo, ang award-winning actor at Kapuso Drama King, na hindi pa rin nawawala ang mga tukso sa kanyang buhay. Ngunit sa kabila nito, napakasuwerte niya sa kanilang relasyon ni Jennylyn Mercado, na kanyang asawa.
Nang makausap si Dennis matapos ang kanyang contract signing bilang bagong brand ambassador ng isang kilalang kumpanya, tinanong siya kung patuloy pa rin ba siyang nilalapitan ng tukso kahit matagal na silang nagsasama ni Jennylyn at ngayon ay may anak na sila.
“Siyempre, mga tukso, laging nandiyan yan. Pero du’n masusubok yung tibay ng pagsasama ninyo pag hindi na kayo nagpapaapekto sa mga tukso,” sagot niya. Dagdag pa ni Dennis, “Doon masusubukan kung gaano kayo katatag, kung gaano kayo katibay. And napakasuwerte ko sa aming relasyon ni Jen. Feeling ko, talagang na-master na namin yung isa’t isa, kilala na namin, kaya siguro harmonious na kaming magkasama.”
Dennis Trillo iwas na iwas sa mga tukso: Paano nila hinaharap ang pagsubok?
Nilinaw ni Dennis na kahit may tukso, hindi nila ito pinapansin o pinapayagan na makaapekto sa kanilang pagsasama. Sa usapin naman ng selos, sinabi niyang hindi na ito malaking isyu dahil mas malawak na ang pag-iisip nilang dalawa bilang mga mature individuals.
“Siyempre, merong mga pagkakataon na darating, pero parang hindi na ganun kalakas yung impact sa aming mag-asawa,” paliwanag niya. Kapag nagkakaroon man sila ng tampuhan o away, tinanggap niya ito bilang bahagi ng relasyon. “Lagi ninyong inuuna yung pagmamahalan n’yo. Lagi ninyong iniisip yung pamilya, yung kapakanan ng lahat,” dagdag pa ng aktor.
Diskusyon sa pagdidisiplina at social media
Inamin din ni Dennis na may mga pagkakataon silang nagkakasundo sa iba’t ibang pananaw, lalo na pagdating sa pagdidisiplina sa kanilang anak. “Meron kaming mga iba’t ibang prinsipyo, mga pananaw sa buhay. Iba’t ibang pinaniniwalaan. Pero yun na nga, since magkasama naman kami halos araw-araw, marami kaming time din na pag-usapan kung ano talaga yung puwede nating pagkasunduan,” sabi niya.
Hindi raw uso sa kanilang mag-asawa ang pag-post ng cryptic messages sa social media kapag may problema sila. “Bilang mag-asawa, kung ano yung problema niyo, mas magandang ayusin niyo muna, kayong dalawa lang, kesa i-broadcast niyo sa iba. Dahil maraming manghihimasok na maaring makaapekto ng relasyon niyo. Pero ngayon, medyo naging mature na kami. So, parang hindi na namin naging ugali,” pagtatapos niya.