Isang babala ang ibinato ng isang dentista laban sa paggamit ng ngipin bilang pambukas ng bote. Maaaring masira ang mga ngipin kung gagamitin ito sa ganitong paraan.
Kamakailan, sumikat si Ronalyn Cortez matapos mapanood sa isang video habang ginagamit ang kanyang ngipin para buksan ang bote ng soft drinks sa isang kasal sa Ballesteros, Cagayan. Ayon kay Ronalyn, dahil sira ang pambukas ng bote, ginamit na lang niya ang kanyang ngipin. Aniya, kahit ilang bote ang binuksan niya, hindi naman nasira ang kanyang ngipin.
Totoo ngang matibay ang enamel, ang pinakamalakas na bahagi ng katawan, na mas matibay pa kaysa buto dahil sa mataas nitong konsentrasyon ng mineral na hydroxyapatite. Ngunit, kapag nasira ito, hindi na ito muling tumutubo—kaya delikado ang paggamit ng ngipin para buksan ang bote.
Ipinunto ni Dr. Maureen Ines-Manzano, dentista, na kapag nabali ang ngipin, hindi na ito maibabalik pa. Bukod dito, magiging daan ito sa impeksyon dahil magkakaroon ng mga mikrobyo sa sugat ng ngipin at gilagid. “Tandaan, ang ngipin ay para lang sa pagnguya,” dagdag niya.
Hindi lang mga ngipin ang maaaring masaktan. Ang biglaang puwersa o trauma mula sa pagbukas gamit ang ngipin ay maaaring makapinsala sa panga.
Kaya sa halip na risguhin ang ngipin at panga, mas mainam na gumamit ng tamang kagamitan—ang pambukas ng bote. Huwag nating hayaan na ang simpleng inuman ay mauwi sa sakit. Ingatan ang ngipin, wag gawing pambukas ang mga ito!