10th Filipino Footwear Design Competition: Pagtatanghal ng Kuwento at Galing ng mga Bagong Designers
Ang footwear design ay matagal nang daan para sa mga lokal na designer na ipakita ang mga kwento at kultura ng Pilipinas. Hindi lang talento at passion ang kailangan, kundi disiplina, tamang kaalaman sa materyales, at husay sa teknikal na aspeto ng paggawa. Dahil dito, mahalaga ang pagbibigay ng oportunidad at suporta para sa mga nag-uumpisang designers.
Lumalago ang Bagong Henerasyon ng Filipino Footwear Designers
Layunin ng Filipino Footwear Design Competition (FFDC) na palaguin ang bagong henerasyon ng mga designer sa larangang ito. Ngayong taon, ipinagdiriwang ang ika-10 taon ng kompetisyon na pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI), katuwang ang Philippine Footwear Federation Inc. (PFFI). Kasama rin ang Department of Science and Technology – Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI) bilang co-presenter. Samantala, sa unang pagkakataon, sumali ang Marikina Enterprise Scale-up Hub (MESH) bilang partner ng paligsahan.
Sa kompetisyon, binigyan ng pagkakataon ang mga designers na makipagtulungan sa mga local manufacturers sa Marikina City. Dito, nakatanggap sila ng mentorship upang maisakatuparan ang kanilang mga disenyo. May 15 finalists ang sumabak sa iba’t ibang kategorya tulad ng Enterprise, Lady’s Leisure, Lady’s Trendy, Lady’s Boots, at Men’s Shoes. Ang mga entries ay hinusgahan batay sa pagiging malikhain, orihinalidad, kultura at heritage relevance, paggamit ng materyales, innovation, feasibility sa market, at presentasyon ng konsepto.
Tagumpay sa Pandaigdigang Entablado
Hindi lang sa Pilipinas kinilala ang galing ng mga nagwagi. Taun-taon, ipinapadala ang mga nanalo sa China para lumahok sa International Footwear Design Competition. Dito, paulit-ulit na nasungkit ang mga premyo, nagbibigay dangal sa talento ng Filipino sa buong mundo.
Ngayong taon, bukod sa pagkakataong ito, nakatanggap rin ng malaking cash prizes ang mga nanalo. Ang grand winner ay tumanggap ng ₱70,000, ang pinakamalaki sa kasaysayan ng kompetisyon. Kilalanin natin ang mga nagwagi at ang mga kwento sa likod ng kanilang mga obra.
Mga Nanguna sa Iba’t Ibang Kategorya
Lady’s Boots at Grand Winner: ‘Aklab’
Inspirasyon ng “Aklab” ni Fred Leysa ang isang gown ng yumaong fashion designer Ben Farrales. Ipinapakita nito ang gender fluidity sa pamamagitan ng overlapping face designs sa abaca. Pinaganda pa ito ng laser-cut na sheepskin, kahoy, at brass. Para kay Fred, simbolo ito ng kalayaan na ipahayag ang tunay na sarili.
Enterprise Category: ‘Aranya’
Gawa ng Ely-Knows Enterprise, ang “Aranya” ay isang pagdiriwang ng makulay na Pahiyas Festival. May mga detalye na hango sa kiping, at may removable upper, braided design, at beaded straps.
PTRI’s Choice at Best in Men’s Shoes: ‘Piñahon’
Inilalarawan ni Hazel Roldan ang barong Tagalog gamit ang piña fiber, banana-cotton textile, at tunay na leather. Nilapatan ito ng floral motifs, calado-style, at Baybayin weaving na bumubuo sa salitang “Piñahon.”
Lady’s Leisure: ‘Sala’
Ang “Sala” ni Catrina Suarez ay hango sa Filipino living room, puno ng alaala at kultura. Pinagbatayan niya ang sala ni Lola Sophie—capiz windows, kahoy na muwebles, at kulay mula sa painting ni Juan Luna.
Construction at Lady’s Trendy: ‘La Reina de Oriente’
Inspirasyon ni Jeremiah Castro si Pura Villanueva Kalaw, ang unang Miss Philippines. Ginamit ang piña seda, cotton fabric, perlas, at capiz shells para sa disenyo na sumasalamin sa kanyang ganda at advocacies.
MESH’s Choice: ‘Pamana’
Ang “Pamana” ng D11B Studio ay sumasalamin sa karanasan ng mga OFW. Nilalaman nito ang golden leather, blue piña fibers, at capiz fragments bilang pag-alala sa mga naglakbay para sa kanilang pamilya.
Best in Story Execution: ‘Perro’s Freedom’
Kwento ng pag-asa at pagmamahal para sa mga hayop na abandoned ang ipinakita ni Bon Marter. Tampok dito ang cage-like silhouette, 3D tail pull-tab, at pawprint soles.
Rico Sta. Ana Artisanry Award: ‘Bagani’
Sa design ni Chad Gabrielle Tanutan, pinarangalan ang mandirigmang Pilipino. May tattoo-inspired patterns, Baybayin engravings, at proseso gamit ang lokal na balat at cotton mula DOST-PTRI.
Sumasalamin ang kompetisyon na ito sa makulay at malikhain nating kultura. Ang bawat pares ng sapatos ay hindi lamang produkto kundi kwento rin ng ating pagkakakilanlan. Patuloy na sumisigla ang sektor ng local footwear design, dala ang mga bagong talento at makabagong disenyo.
Para sa mga nais magbahagi ng kanilang kwento o ideas, bukas ang aming social media channels sa Facebook, Instagram, TikTok, at X (Twitter). Tara, pag-usapan natin ang kwento mo!