Scholarship Program para sa Agrikultura, Ipinapanukala ni Lacson
MALOLLOS CITY, Bulacan — Iniharap ni senatorial candidate Panfilo “Ping” Lacson ang panukalang scholarship program para sa mga estudyante ng agrikultura. Ito ay kahalintulad ng “Doktor Para sa Bayan,” ngunit para sa mga kabataang magsasaka.
Ayon kay Lacson, layunin nitong itaas ang antas ng teknolohiya sa pagsasaka. “Gusto kong magkaroon ng ‘Kabataang Magsasaka’ na programa kung saan mapapalakas natin ang agriculture gamit ang makabagong teknolohiya,” ani niya sa isang press conference.
Naniniwala si Lacson na malaki ang maitutulong ng ganitong programa upang mapaunlad ang sektor ng agrikultura sa bansa. Binanggit niya ang kurso sa agrikultura sa University of the Philippines Los Baños bilang magandang halimbawa.
Baguhin ang Mindset sa Pagsasaka
Marami raw ang ayaw pumasok sa agrikultura dahil sa paniniwala na mahirap ito. “May stereotype na mahirap maging magsasaka kaya kailangang baguhin natin ‘yon,” dagdag ni Lacson. Pinanukala niya ang paggamit ng high-tech na pagsasaka upang mabago ang lumang imaheng konektado sa tradisyunal na paraang paggamit ng araro at kalabaw.
“Sa ibang bansa lalo na sa Europa, ang magsasaka ay mayayaman. Ngunit sa atin, naka-link ang pagiging magsasaka sa kahirapan. Dito pumapasok ang scholarship program para sa agrikultura upang baguhin ang pananaw na ito.”
Pagtutok sa Sektor ng Agrikultura
Pinaliwanag naman ni senatorial candidate Vicente “Tito” Sotto III ang kahalagahan ng pag-prioritize sa agrikultura, lalo na ngayong may mga free trade agreements na nakakaapekto sa ekonomiya ng Pilipinas.
Binanggit nina Lacson at Sotto ang kahalagahan ng tamang pagpili ng chairman para sa Senate committee on agriculture. Ang chairperson ang magpapatibay at magtatanggol ng mga panukalang batas tulad ng National Land Use Act (NLUA).
National Land Use Act, Kailangan ng Seryosong Pagsuporta
Ani Lacson, “Ang chairman ng committee na maghahandle ng land use bills ay dapat may malasakit sa pag-aayos ng land use sa buong bansa.” Pumabor rin si Sotto at sinabi, “Mahalaga ang pagpili ng chairman upang masigurong maayos ang pagproseso ng panukala sa Senado at House of Representatives.”
Ang National Land Use Act ay naglalayong maglatag ng sistema para sa wastong paggamit at pamamahala ng mga lupain sa Pilipinas. Kung maipasa, bubuo ito ng National Land Use Commission bilang punong ahensiya para sa land use planning at resolusyon ng mga isyu ukol dito.
Unang inilahad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na ito bilang prayoridad ng kanyang administrasyon noong 2022 State of the Nation Address. Naaprubahan na ito ng Kamara ng mga Representante noong Mayo 2023 ngunit nasa komite pa ng Senado.
Sa kasalukuyan, si Senadora Cynthia Villar ang chairman ng Senate committee on agriculture.